MAKULIT!

“Huwag kang makulit!” ika ng ina sa anak na sunod-sunod ang tanong.  Sa katunayan, maigi sa bata ang maging curious, dahil sa ganyang paraan sila natututo tungkol sa maraming bagay.  Imbes na bawalin, dapat ay i-encourage na palaging magtanong ang bata; sagutin ang paulit-ulit na tanong nila.  Balang araw ay mag-isa na silang magre-research ng mga sagot sa mga bagay na gusto nilang malaman.  Ang importante ay huwag bayaang mawala ang kagustuhan nilang matuto.
 
 
Ang kakulitan ay mapapansin din sa mga pangalan ng ilang pagkaing Pilipino.  Tingnan natin ang susunod na diskusyon.  Sana ay may expert o estudyante ng linguistics na magbibigay-linaw sa ganitong paraan ng pagbibigay ngalan.
Halo-halo:  Wow, perennial favorite iyan ng karamihan!  Matamis, maraming sangkap na prutas, malamig, malutong ang yelo, at ma-krema ang lasa dahil sa sa gatas at leche flan.  Ang deretsong translation nito sa Ingles ay “mix-mix.”  Talaga namang hahaluin mo ang lahat ng laman bago kainin ang masarap na meryenda!

Tita-tira:
  Ang tira-tira sa mga tindahan ngayon ay matigas na kending asukal.  Maaring makakita ng tunay na tira-tira sa mga probinsiyang nagtatanim ng tubo (sugar cane).  Kapag ang katas ng tubo ay pinakuluan hanggang lumapot, ang resulta ay inuyat. Ang isang dakot ng malamig na inuyat, kapag hinila nang madalas sa magkabilang direksiyon, ay magiging makunat na kendi. Iyan ang tira-tira, at ang pangalan ay hango sa  Kastilang “tirar” (hila).

 

Bilo-bilo:  Ang kumpletong pangalan ng pagkaing ito ay guinataang bilo-bilo.  Mga mala-holen na piraso ng giniling na malagkit, inuluto sa gata ng niyog na sinamahan ng asukal at iba’t-ibang prutas, tulad ng saging na saba, kamote, langka, atbp.  Maaring tinawag na bilo-bilo dahil iyong binilog na malagkit ang pangunahing sangkap.  Pwedeng itong kainin nang mainit sa meryenda, o malamig sa almusal.

Kare-kare:  Dalawang theory ang alam ko tungkol sa pinagmulan nito.  Una, dala raw ng mga Indonesian na dumaong sa pasigan ng Pampanga River ang lutong “kari.”   Ang iba’t-ibang hiwa ng karne at gulay ay iniluluto sa gata ng niyog at mga spices na kung tawagin ngayon ay curry powder.  Ang ikalawang theory ay lutuin daw ito ng mga Sepoy (Bumbay) na lumipat sa Cainta, Rizal.  “Kari” din ang tawag nila, at hindi gaanong kakaiba sa luto ng mga Indonesian.
Ang malaking kakaibhan ay ito:   iyong kare-kare natin ay walang gata ng niyog o curry powder; pinalapot ito ng peanut butter, at kinulayan ng atswete.  Isa pa, ang bawat subo ng kanin at ulam ay sinasamahan natin ng kapiranggot na bagoong, para sa malinamnam na pinagsamang tamis-alat.


Pito-pito:
 Yep, pitong sangkap ang kasama sa produktong ito:  mga dahon ng alagaw, banaba, bayabas, pandan, manga, at mga buto ng anis at kulantro.  Pwedeng ilaga at inumin bilang tsa-a, o itapal kung saan masakit ang nilutong pito-pito.  Kasama sa mga gamit nito ay pang-alis ng sakit ng ulo, pagpapababa ng lagnat, gamot sa sipon, ubo, sakit ng tiyan, atbp.

Advertisements