Tsalap-tsalap: GRILLED CHEESE SANDWICH

Pag naka-pose na ang mga bida, ano’ng sinasabi ng photographer bago i-click ang camera?  Siempre, “Say CHEESE!”
 
Bakit nga ba ito ang cue o utos sa mga nagpapakuha ng litrato?  Dahil maganda ang porma ng bibig, para tayong naka-ngiti kapag nagsasabi (o bumubulong) ng, “Cheese!”
 

Matutuwa kayong malaman na sa ibang bansa, pangalan din ng pagkain ang ipinasasabi sa photo sessions.  Subukan ninyong sabihin ang mga sumusunod na salita, at madi-diskubre ninyo na naka-ngiti nga kayo:

 

Argentina “Whiskey!”
Bulgaria   “Zele”  (repolyo)
China  “Qie2zi” (tulad din ng pagsabi ng “cheese” pero ang ibig sabihin ng salitang ito ay “talong”)
Denmark “Appelsin!” (kahel)
Korea “Kimchi!” (atsarang petsay Baguio)
Morocco “Khbiz!” (tinapay)
 
========
Sino ba ang nag-imbento ng keso?  
 
Walang nakaka-alam; matagal nang kabilang sa pagkain sa mundo ang keso, at may iba-ibang klase ng productong ito, depende sa klima ng lugar.  Sa Europe, kung saan may matinding malamig na klima, may mga kesong galing gatas ng baka, tupa, o kambing na pinahihinog nila sa mga kweba.  Sa Asya, kung saan palaging mainit ang panahon, nakakagawa ng keso ang mga tao sa pamamagitan ng paghahalo ng gatas at maasim na sangkap tulad ng suka ng niyog.
 
Ang unang keso daw ay malamang na na-diskubre nang mamuo ang gatas na inimbak sa supot na gawa sa balat ng hayop.  Sa katatagtag habang naglalakbay ang mga tao, nakita nila na nakurta na nagbago na ang gatas: nagkaroon ng medyo malinaw na sabaw at mga buo-buong piraso ng keso.
 
Ang salita nating KESO ay hango sa Kastilang queso, na ang pinagmulan naman ay ang Latin na caseus.  Ang pinaka-ugat na mga nasabing bersyon ng “keso” ay ang Proto-Indo-European na salitang *kwat* na ang ibig sabihin naman ay “umasim” o “naging buro.”  Malinaw ba, ‘igan?
 
 
Ngayong marami nang Pilipino sa iba’t-ibang sulok ng daigdig, pag-aralan naman natin ang tawag sa keso sa:
Georgia qveli
Germany kase
Indonesia  keju
Netherlands kass
Portugal quiejo
France fromage
Haiti fwomaj
Italy fromaggio
Vietnam pho mat
Iran panir
Kenya jibini
Poland ser
Latvia siers
Kung susuriin ninyo ang mga tawag sa keso sa mga lugar na nabanggit, siguradong may makikita kayong relasyon.  Maaring ang kahawigan ay dahil sa pinagmulan ng salita nila, o dahil sa colonial history, atbp.  Maging exercise kayo ng “jogging for the mind,” ika nga!
Ngayon balik tayo sa una kong intension sa pagsulat nito:  ang magturo ng napakadaling paraan ng paggawa ng isang masarap na merienda/almusal/ tanghalian/hapunan.  That’s right, pwede ninyo kainin ang grilled cheese sandwich kahit anumang oras sa araw!
MGA SANGKAP (Para sa isang grilled cheese sandwich)
2 slice ng tinapay.  Pwedeng “tasty bread” o pan de leche.
Siguraduhin lang na “patag” ang mukha ng tinapay.
1 0 2 slice ng keso.  Pwedeng ready-sliced o de-lata.
Siguraduhin lang na keso talaga at hindi “cheese food” o “processed cheese.”
Konting mantekilya o mayonnaise o margarine o cooking oil
PARAAN NG PAGLULUTO
Bahiran ng matekilya ang isang mukha na bawat tinapay,
Ilagay ang keso sa pagitan ng dalawang tinapay, tulad ng paggawa ng ordinaryong sandwich.
Iyong may pahid na mantekilya/mayonnaise/margarine/cooking oil ang dapat nasa labas.
Ilagay sa kawali. Painitin sa medium ang kalan.  Takpan ang kawali.
Pagkaraan ng 3 minuto, tinagnan kung tustado na ang ilalim ng tinapay.
Dapat ay natutunaw na rin ang keso.
Kung tama na sa iyo ang pagka-tusta ng tinapay, bilingin ang sandwich.
Huwag nang takpan ang kawali.
Kapag tustado na ang kabilang mukha, luto na ang sandwich mo.
ENJOY!
Advertisements

Inihaw na PINYA

Pinya on a stick, pinya sa fruit salad, pineapple juice na pampalamig, pinya at hamon sa Hawaiian-style pizza.  Nakatikim na ba kayo ng INIHAW NA PINYA?  Kung hindi pa… aba, eh, dapat subukan ninyo!  Magiging bagong paborito niyo ito, pupusta ako!
Ang sumusunod na recipe ay hango sa isang Brazilian restaurant sa Dallas, Texas.  Mahilig sa inihaw na karne ang mga taga-South America, at isa sa paborito nilang side dish ay INIHAW NA PINYA.
 
1.  Ihanda ang pinyang iihawin.  Pwedeng gamitin ang de-latang pinya, tulad ng nasa litrato sa itaas.  Siempre, mas masarap kung bibili kayo ng sariwang pinya, maging isang buo o pa-slice-slice lang.
2.  Ilagay sa mangkok ang ilang kutsarang asukal, maging puti man o brown.  Samahan ng kaunting pinulbos na cinnamon.  Paghaluin ang dalawa at ibudbod sa magkabilang mukha ng pinyang iihawin.
 
3.  Pwede kayo mag-ihaw sa kawali:  ilagay sa kawaling binahiran ng KONTING cooking oil o mantekilya.  Iluto ang magkabila hanggang tustado na ang pinya.  At siempre, mas maganda kung sa bumabagang uling kayo mag-iihaw, dahil may kakaibang amoy usok ang niluto.
 
4.  Ihain habang mainit, kasabay ng putaheng isda o karne.  Maigi kung ang kasamang ulam ay hindi masabaw.
=================
Saan ba galing ang pinya?  Hindi ito katutubo sa Pilipinas o sa Asya.
Ang pinya ay “indigenous” o natural na tumutubo sa South America.  Ayon sa ulat, ang pinanggalingan nito ay ang lugar kung saan nagkikita ang mga ilog Parana at Paraguay sa hilagang Argentina.
 
 
Gaano kalayo ang lugar ng pinya mula sa ‘Pinas?  Tingnan ninyo ang mapa sa ibaba.  Nasa gitna ng larawan ang Pilipinas, at sa kabilang baybayin ng malawak na Pacific Ocean ay ang mga kontinente ng North at South America.
 
Lumaganap sa buong South America ang pinya, hanggang makarating ito sa norte sa Mexico, at silangan sa Carribean.  Unang nakita ni Cristoforo Columbus ang pinya sa Guadeloupe (isang isla na sa kasalukuyan ay nasa administrasyon ng mga Pranses).  Pinangalanan niya ang bagong prutas na piña de Indesdahil hawig ito sa mga bunga ng pine trees sa Europa.
Nang makarating ang mga Kastila at Portuges sa Asya, dinala nila ito sa Pilipinas, India, at iba pang lugar kung saan ito pwedeng tumubo.
Del Monte Pineapple Plantation, Bukidnon, Philippines.
http://www.philippinesdailyphotos.com/2009/08/del-monte-pineapple-plantation-bukidnon-philippines/

Malawak ang Del Monte Pineapple Plantation sa Bukidnon,
pero marami ring lugar sa Pilipinas kung saan nagtatanim ng pinya;
halimbawa, Tagaytay.

 

Pansinin Naman Natin ang SAMPALOK

Bukod sa sinampalukang manok at minatamis na sampalok,
ano pang  gamit ang alam ninyo sa maasim na prutas na ito?
Kamakailan lang ay pinag-usapan natin ang gumamela tea.  Gusto ko ngayong i-promote ang pag-inom ng tamarind drink, o SAMPALOK JUICE.  Sa mga bansang mainit tulad ng Congo, Guinea, India, Jamaica, Mexico, at Puerto Rico, popular na inuming pampalamig ang katas ng sampalok.  Heto ang tawag ng ilang bansa sa inuming ito:
Congo –  Jus de tamarin
India – Jal Jeera
Mexico – agua de tamarindo
Puerto Rico – Refresco de tamarindo
 
 
Sana’y ugaliin din natin ang pag-inom ng katas ng sampalok.  Mas mabuti sa katawan ang natural na sangkap sa inumin, at mas mabuti para sa ekonomiya ng bansa ang paggamit ng mga produktong local (hindi iyong imported).
 
Ayon sa Congocookbook.com, heto ang mga direksiyon sa paghahanda ng tinatawag nilang jus de tamarin.
 
1.  Magpakulo ng 8 tasang tubig.
2.  Ilagay ang 1 tasang sampalok sa garapon.  Ibuhos dito ang mainit na tubig.
3.  Haluin para kumatas ang lasa ng prutas.
 
4.  Timplahan ng asukal o honey, ayon sa panlasa.
 
5.  Takpan ang garapon at hayaang lumasa ng ilang oras, o magdamag.
6.  Salain ang SAMPALOK JUICE.
 
7.  Dagdagan ng tubig at pang-matamis, ayon sa panlasa.
 
8.  Palamigin sa fridge, o isalin sa basong may yelo.  Enjoy!
 
==============================
 
Ang punong sampalok ay natibo sa Africa, pero laganap na ito sa mga lugar na may tropical na panahon, kasama na ang Pilipinas.

Ang salitang Ingles na tamarind ay hango sa pangalang ibinigay dito ng mga Arabo, tamar hindi.

Ang tawag natin dito, SAMPALOK, ay malamang na hango sa salitang Sinhalese, Siyambala o Siyambula.   Taga Sri Lanka (dating Ceylon) ang mga Sinhalese.

Sa pangkasalukuyang Indonesia at Malaysia, asam o asem ang tawag dito.  Ganoon pa man, ayon sa kanilang sinulat na panitikan, ang tawag dito ay sambaya.
Kabilang sa mga gamit ng sampalok sa pagkain ay pampa-asim ng sabaw at bilang candy.
Ang nasa litrato ay minatamis na sampalok sa Mexico.
Sa Pilipinas, mas gusto natin ang medyo ma-anghang
na minatamis mula sa Thailand.
 
Mahalagang sangkap din ito sa Indian chutney, iba’t-ibang atsara, at sa Worcestershire sauce.  Akala ng marami ay orihinal na produkto ng Inglaterra ang huling nabanggit na panimpla, dahil sa pangalan nito.  Tingnan ang mapa sa ibaba; ang pulang bahagi ay ang kinalalagyan ng Worcester.
Ayon sa istorya, kinopya ng mga Ingles ang timpla ng isang sawsawan na nagustuhan ni Lord Sandys noong gobernador siya ng Bengal, India.   Mga kimikong taga-Worcester, sina John Lea at William Perrins ang nagtagumpay na gayahin ang lasa nito.  Mga pangalan nila ang nasa etiketa ngayon ng pinakasikat na Worcestershire sauce.

SALABAT na Luyang Dilaw

Isa sa mga pangunahing ulat sa America On Line ngayong umaga ay tungkol sa “Turmeric Ginger Tea.” Naka-litrato ang isang tasa na may nasabing inumin, kasama ang isang kutsarang pinulbos na turmeric, at ilang piraso ng sariwang luyang dilaw.  Ayon sa ulat, ang kanilang turmeric ginger tea ay halo ng tubig, turmeric powder, langis ng niyog (mula sa garapon), honey, at katas ng lemon.
 
 
Sa Pilipinas at iba pang lugar kung saan may pamilihang Asyano, maaring gawin ang inuming ito “from scratch.”  Mas maigi kung sariwang sangkap ang gamit; sa ganitong paraan, naiiwasan natin ang mga additives na kung minsan ay hindi maganda ang epekto sa katawan.
 
 
Ang tawag sa luyang pinakuluan sa tubig ay SALABAT.  
 
Pwedeng i-salabat ang ordinaryong luya, na siyang karaniwang gamit kung panahon ng bibingkahan sa Pasko, o kung may ubo ang kasambahay natin.  Ngayon ay uso na ang paggamit ng luyang dilaw, dahil naka-gisnan na ng karamihan ang mabubuting benepisyo nito sa kalusugan.
 

 

 
Ginger and Turmeric
http://www.dreamstime.com/royalty-free-stock-images-ginger-turmeric-image13770419


Sa larawang ito, nasa kaliwa ang luyang dilaw, at ang ordinaryong luya ay iyong malaki.
 
 
Magpakulo ng tubig ayon sa dami ng tasang salabat ang gagawin.  Ilagay ang piraso ng hinugasang luyang dilaw. tulad na nasa larawan.
 
 
Nasasa-inyo kung gaano karaming piraso ang papakuluan; pangkaraniwan ay isang pirasong sinlaki ng baryang piso, pero kung gusto ninyo ng mas matapang na timpla, dagdagan ng luya.
 
 
Timplahan ng asukal o honey.
Pigaan ng kalamansi o lemon.
Lagyan ng katas ng niyog, kung mayroon.  Siguro maiging planuhin ang paggawa ng kumpletong recipe ng turmeric ginger tea kung magluluto kayo ulam na may gata, ano po?
 
 
 
Sa susunod na blog:  luya; luyang dilaw

Pritong PAMPANO, Vietnamese Style

Dumalaw ako kamakailan sa mga kamag-anak sa Chicago.  Isang magandang gawain kung bisita ka sa bahay ng iba ay ang magluto ng espesyal na ulam minsan o dalawang beses habang naroon ka.  Ang pinili kong ihain isang hapunan ay piniritong pampano, Vietnamese-style.  Ang recipe ay mula sa kusinera ng isang Asian restaurant sa San Francisco, California.
 
Siguradong papatok sa mga kasambahay ninyo ang malinamnam na lutuing ito.  Sa Chicago nga, hindi lang pinsan at tiya ko ang nasarapan sa putahe.  Mga kaibigan nila, ibang bisita, mga kasamahan sa trabaho ay tinuruan na rin nila! 
 
Kaunti lang ang sangkap ng putaheng ito, at napaka-simple ng mga hakbang; handa na ba kayo?
 
 
MGA SANGKAP
 

1 pampano, nilinis at may dalawang gilit sa bawa’t harap

 

1 bungkos ng talbos ng silantro 
 
5 kutsarang asukal
1 kutsarang tubig
1 kutsaritang patis 
 
 
MGA DIREKSIYON
 
UNA:  Banlawan nang 2 beses ang silantro.  Gupitin ang dulo ng tangkay at tuyuing maigi ang buong bungkos. Ibalot sa basang napkin at itabi sa fridge.
 
 
IKALAWA:  Gumawa ng arnibal na tamis-alat. Sa katamtamang init ng kalan, painitin sa maliit na lutuan ang asukal at tubig. Kapag  natutunaw na ang asukal, idagdag ang patis.  Haluin hanggang hustong matunaw at matimpla ang sarsa.
 

Tikman at i-adjust sa sariling panlasa ang tindi ng tamis-alat.  Kung daragdagan ng anumang sangkap, siguraduhing pakuluin ang bagong timpla.

 

 
IKATLO:  Iprito ang nilininis na pampano.  Hayaang maging medyo malutong ang balat.  Tuyuin ng napkin ang piniritong isda.
IMG_2745.JPG
 
IKA-APAT:  Sa malaking plato, ilagay ang isda, babawan ng silantro, at buhusan ng sarsang tamis-alat.   Tapos na!
IMG_2747
MAHALAGANG PAALALA:  Mas maiging maglaan ng isang isda para sa bawat kakain, at i-adjust ang ibang kasama ng putahe.  Ito ay para hindi “bitin” ang tanghalian o hapunan.  Siguradong maraming makakaing kanin kapag ito ang ulam, at walang matitirang isda  para sa pusa.  Promise iyan, hahaha!
Sa mga  susunod na blog:  Pampano, silantro, arnibal.

Inom na Kayo ng GUMAMELA TEA

Dec. 31, 2015.  Inu-ubo ako.  Napaka-ginaw, dahil winter dito sa Amerika.  Siguro may kalamigan din sa kinalalagyan ninyo sa ‘Pinas; ibang nga lang ang tindi ng lamig dahil kayo ay nasa “tropical” na parte ng mundo, malapit sa equator.  
 
Suriin ninyo ang drawing sa ibaba.  Ang equator ay ang haka-hakang (imaginary) linyang pahiga na humahati sa mapa;
sa itaas ay northern hemisphere; sa ibaba ang southern hemisphere.  Ang mga bansang tumatawid sa linya ng equator ay karaniwang mainit.  Matindi ang palo ng init ng araw sa mga lugar na ito.  Habang lumalayo sa equator ang isang lugar, nagiging mas malamig ang panahon.
Nakita ba ninyo ang Pilipinas, at ang lapit (o layo) nito sa equator?
“Equator and Prime Meridian” by NuclearVacuum – File:BlankMap-World6.svgThis vector image was created with Inkscape..
Licensed under CC BY-SA 3.0 via Commons – https://commons.wikimedia.org/wiki/File:Equator_and_Prime_Meridian.svg#/media/
File:Equator_and_Prime_Meridian.svg


 
Balik tayo sa ubo at sipon ko.  Kanina ay bumili ako ng 1/4 libra ng “Jamaica”  sa palengkeng Mexicano na malapit sa bahay ko.  Ang tinatawag nilang Jamaica ay pinatuyong bulaklak ng gumamela.

 

 

Ang ibinayad ko sa isang malaking dakot ay $0.80; mga 15 tasa
ng gumamela tea ang maiinom ko.  Ayos na iyon, ‘di ba,
sa halagang 38 pesos?  Inilagay ko sa malinis na basyo
ng garapon ng spaghetti sauce.

Ilang taon na ang nakakaraan mula nang matikman ko ang hibiscus tea sa isang Italian restaurant dito sa Califormia.  Nasarapan ako dito, kaya itinanong ko sa waiter kung anong klaseng iced tea ang ibinigay niya sa order ko.  Hibiscus tea nga daw.  Kasin-lasa nito ang cranberry juice, kailangang tamisan ng pulot (honey) o asukal.
Ngayong 2016, resolusyon ko na lagi kong i-inumin ang hibiscus / Jamaica / gumamela tea, lalo na at may murang bilihan ng pinatuyong bulaklak.    Sasamantalahin ko ang mga benepisyo nito, tulad ng masaganang Vitamins A, B, C, at mga anti-oxidant.  Ika ni Hippocrates (ang ama ng medisina), “Let your food be your medicine.”
Susubukan ko rin gumawa ng gumamela paste, na maiging panlinis daw ng buhok at anit at mas maiging pang-tina kaysa mga de-boteng timpla na karaniwang gamit sa hair salon.
Picture of Materials needed
Kung gusto ninyo basahin ang mabubuting matatamo sa gumamela, i-type lang ang “benefits of hibiscus tea” sa inyong internet search.
 

Popular na inuming malamig ang flor de Jamaica sa Mexico. Ang tawag nila dito ay aguas frescas, na sa atin ay “samalamig” naman.  Isini-silbi din ito sa Jamaica (siempre!), mga isla sa Carribean, sa Peru, Ecuador, Panama, Iran, Ethiopia, Egypt, at marami pang lugar.

Nagtataka nga ako kung bakit hindi tayo nagaya sa pag-inom nito, dahil mula pa noong panahon ng Manila-Acapulco galleon trade, may tradisyon na ng pagpapalitan ng lutuin ang Pilipinas at Mexico.

Sana ay makahiligan ng mga kababayan natin ang iced tea mula sa pinatuyong bulaklak ng gumamela.  Isang paraan ito para matigil ang magastos at masamang bisyo ng pag-inom ng soft drinks.

Susunod na blog:  Mga Putaheng Hango Natin Sa Mexico

LUMPIA: Sikat na Pangkaing Pilipino

Sa kanlurang bahagi ng mundo, lalo na sa Amerika, ang mga sikat na pagkaing Pilipino ay pansit, lumpia, at adobo.  Ibig kong talakayain ngayon ang LUMPIA, bilang follow-up sa blog post ng kaibigan nating penpowersong.
 

Ang Lumpiang Sariwa ni Flor Enriquez-Francia sa Quiapo

 
Mga kababayan, hindi yata katutubong putahe ng Pilipinas ang lumpia.  Sori po!  
Ang lutuing ito ay dala daw ng mga Fujian Intsik na dumayo sa ating mga pasigan anim na libong taon na ang nakararaan. Pansinin natin ang pulang bahagi sa mapa ng Tsina; iyan ang Fujian.
 
Hindi lang Pilipinas ang narating nila, kundi Indonesia rin, at iba pang nalalapit na lugar.  Ayon kay Propesor Peter Bellwood ng Canberra, Australia, ang pagpunta ng mga taga-Fujian sa iba’t-ibang bansang Asya ay ang dahilan kung bakit maraming kahawigan sa salita, pagkain, itsura ang mga Asyano.  Ang Austronesian MigrationTheory ay isang kagili-giliw na paksa na tatalakayin natin sa lalong madaling panahon.
 
 
Back to LUMPIA.  Ilang klaseng lumpia ang alam ninyo?  Sige, ipakita ninyo ang kaalaman ninyo tungkol sa pagkain natin.  Una – lumpiang prito. Pangalawa – lumpiang sariwa.  Ano ang pangatlo?  Ang pang-apat?  Ika-lima?  May ika-anim ba?
Ang ugat ng salitang “lumpia” ay lūn-piá  o  jūn-piá .  Dalawang klase ang lumpia ng mga taga Fujian: pinirito at sariwa.  Mula dito ay ang lumobo ang mga klase ng lumpia, maging sa Pilipinas o sa Indonesia.  Pag-uusapan natin ang mga lumpiang Pilipino, at ang kapareho nito sa Indonesia, kung mayroon man.
 
Ang Lumpiang Prito ay karaniwang pinalamanan ng mga gulay na ginisa sa mantika, sibuyas at patis.  Maaring isama ang repolyo, togue, carrots, singkamas, kamote, habichuelas, mga butil ng mais, atbp.   Isa pang tawag dito ay Lumpiang Gulay, bagama’t karaniwan ay sinasamahan din ng giniling na baboy o manok, o hipon, o tokwa.
Kung natatandaan ninyo ang nasi goreng (fried rice) ng Indonesia, madaling ninyong masasabi na ang kapantay ng ating lumpiang prito ay ang kanilang lumpia goreng, na pinalaman ng bihon at carrots. Simple lang ang lumpia goreng dahil ito ay inihahain kasabay ng iba pang gorengan:  piniritong tokwa, piniritong kamote, piniritong cassava, atbp.
 
Ang Lumpiang Sariwa, na sikat na produkto ni Aling Flor Enriquez-Francia, ay karaniwang pinalalamnan ng hinimay na manok at hiwa-hiwang gulay kasama ang singkamas.  Isinisilbi ito sa dahon ng litsugas at lumpia-balot.  Laging kasama nito ay sarsa na tinimpla sa sabaw ng baboy o manok, harina, at kinulayan ng toyo.  Ang huling dekorasyon ay pinitpit na mani at sariwang bawang.
lumpiang-sariwa-recipe

Ang katumbas nito sa Indonesia ay lumpia basah.  Nakuha ba ninyo ang ibig sabihin?  Hindi tuyo, hindi pinirito, therefore, sariwa nga!
 
Pangatlong lumpia natin: LUMPIANG SHANGHAI.  Kamukha ito ng lumpiang prito, pero mini version: kasing-haba lang ng hinlalaking daliri.  Galing daw ba ito sa Shanghai?  No way, dahil sa Shanghai mismo ay wala silang ganitong lutuin!  Isa pang kaibhan nito sa regular na lumpia ay ang palaman: mas maraming giniling na karne ang gamit, na tinimplahan ng sibuyas, tinadtad na carrots, padagdag lasa tulad ng cilantro at gisantes.  Hinahalo ito sa binating itlog para madaling ibalot at hindi ma-disporma sa pagprito.  Karaniwang sawsawan ang tamis-anghang na banana ketsap.
 
Sa Indonesia, mayroon silang tinatawag na sumpia: “mini” lumpia na pinalamnan ng hinimay na karneng baka o mga hibla ng pinatuyong sugpo.
 
Lumpia #4:  LUMPIANG HUBAD.  Ito ay lumpiang sariwa, pero walang balot.  Kaya nga “hubad” ang tawag.
 
Number 5:  LUMPIANG UBOD.  Ito ay lumpiang sariwa pa rin, ngunit ang pangunahing sangkap ay ubod ng niyog.  Especial na putahe ito sa mga lugar na sagana sa niyog, tulad ng Silay, Negros Occidental.
Ang ika-anim at huling lumpia sa usapang ito:  TURON!  Isinama ko ito sa listahan dahil sa isang nakakatuwang pangyayari sa Berkeley, Californa.  Dumadalaw ako sa bahay ng isang kaibigan nang lapitan ako ng isa pang bisita. Tanong niya, “You’re Filipino?  Can you tell me how to make banana lumpia?”  Napag-tanto ko na ang ibig niyang sabihin ay turon!  Siyempre naman, tinuruan ko siyang gumawa ng masarap na meryendang ito.

Naku, Ayaw Ko Niyang OKRA!

Nagkita kami last weekend ng dati kong ka-iskwelang si Nelia, para magka-balitaan tungkol sa buhay-buhay.  Napili namin ang isang nalalapit na Cajun restaurant sa siyudad ng San Ramon, mga isang oras ang layo sa San Francisco, California.

 
Ang salitang “Cajun” ay galing sa Acadia, pangalan ng lugar na ngayon ay sinasakop ng New Brunswick, Nova Scotia, at Prince Edward Island sa silangang bahagi ng Canada.  Ang tatlong probinsiyang ito ay nasa bandang kanan ng mapa sa ibaba; nakaharap sila sa Atlantic Ocean.
 
 
Heto naman ang mapa ng daigdig, upang malinawan natin ang layo sa Pilipinas ng mga nasabing lugar.  Ang ating bansa ay nasa bandang kanan ng mapa sa ibaba; ang North America, kung saan naroon ang Canada at United States, ay nasa 
nakakataas na kaliwa, nakarugtong sa South America.  Okay?

http://www.freeworldmaps.net/download/maps/blank-world-map-big.gif

————
Karamihan sa mga taga-Acadia ay tubong Pranses; ang tawag sa kanila ay “Acadiens.”  Noong panahon ng Pitong Taong Himagsikan (Seven Years’ War, 1755-1764) ng France at Great Britain, napilitang umalis sa kanilang tirahan ang mga Acadiens; lumipat sila sa Louisiana, na noon ay sakop din ng pamahalaan ng France.  Paglaon ng panahon, ang “Acadiens” ay naging Cajun.

 
Isa sa nga palagiang sangkap sa pagkaing Cajun ay okra.  May okrang ginisa sa sibuyas at kamatis, okrang isinama sa putaheng “gumbo,” okrang atsara, okrang pinirito, atbp.    
 
Habang binabasa namin ni Nelia ang menu sa Cajun restaurant, nag-suggest ako na mag-order kami ng fried okra.  “Ay, naku, ayaw na ayaw ko iyang okra!” sabi Nelia. “Hindi ako kumakain niyan!” 
 
Sagot ko naman, “Huwag kang mag-alala; hindi nakaka-turn off ang piniritong okra; hindi ito malagkit at madulas sa dila.  Subukan natin; baka magustuhan mo.”  
 
Kahit hindi si Nelia bilib sa aking “kampanya,” nagpahatid ako ng isang order.  Pinapak namin ito habang hinihintay ang tanghalian; wa naman siyang reklamo, hahaha !
————-
 

Ang gulay na okra ay galing daw sa Africa, bagama’t may nagsasabing ang pinagmulan nito ay katimugang Asya.  Ang pangalan nito ay hango sa  ọ́kụ̀rụ̀  ng salitang Igbo (Ibo) ng bansang Nigeria.   Ang “gumbo,” na siyang paboritong ulam sa Louisiana, ay matutunton sa salitang (ki)ngombo, katutubong tawag sa okra ng mga taong Bantu sa Nigeria at Congo.  Sa timog Asya naman, ang tawag sa okra ay bhindi.

 

Paano naging laganap ang paggamit ng okra sa katimugang Estados Unidos (American South),  lalo na sa Louisiana?  Ang sagot sa tanong na iyan ay konektado ito sa kasaysan ng mga Aprikano na inalipin ng mga taga-Europa matapos ma-diskubre ang malalawak na lupain sa tinawag nilang Bagong Daigdig (New World) simula ng taong 1500.  Kasakop sa mga bagong lupain ang mga isla sa Carribean Sea at ang mga kontinenteng hilaga at timog Amerika.

Ayon kay Dr. Joseph E. Holloway, sa kaniyang ulat na  “African Crops and Slave Cuisines,”  ang okra ay napunta sa Bagong Daigdig kasabay ng pagdating ng mga aliping Aprikano.  Karga ng mga barko na siksik ng aalipining tao ay mga natibong pagkain na pang-sustini sa kanila sa matagal na biyahe, tulad ng bigas, gisantes, sorghum, pakwan, ube, linga, at iba pa.

 

Sa umpisa, mga aliping itim (Black African slaves) lang ang kumakain ng nasabing pagkain.  Paglipas ng panahon, naging bahagi na rin ng kusina at lutuin ng mga amo nilang puti ang mga sangkap na ito.
Tulad ng kaibigan kong si Nelia, ang matinding reklamo sa pag-konsumo ng okra ay ang langkit nito.  Delikado ang manipis na balat ng okra, kaya kapag nabuksan ang bunga, nariyan na ang kadulasan na ina-ayawan ng karamihan.
Si Alcestis Coberg ng Galveston County sa Texas ay nag-share ng mga sikreto tungkol sa pagluluto ng okrang walang lagkit.  Natutunan daw nito sa kaniyang ina na tubong Greece.
Una, ani Alcestis, huwag hahaluin ang ulam na may kasamang okra; sa paghain, ingatan ang pag-sandok upang hindi masira ang balat.  Ang pangalawang sikreto ng mga Griyego ay ito: hiwain ang matabang dulo ng okra at ibabad ito sa suka o satubig at katas ng kalamansi.  Pagkaraan ng ng 30 minuto, banlawan, tuyuin, at isangkap ang okra sa mga putahe. Paborito ng nanay ni Alcestis ang karne ng tupa na ginisa sa bawang, sibuyas, sili, katas ng lemon, mga panimpla tulad ng mint, coriander, at cumin, at — siyempre — okra!
Paborito ng kaibigan nating awtor ng penpowersong ang okrang sinapaw sa sinaing.
Ang mga kabataan ay mahilig sa malutong na chichirya.  Upang mahimok silang kumain ng okra, hiwain ito, ilagay sa supot na may cornmeal o harina na tinimplahan ng asin at paminta, iprito sa mainit na cooking oil.  Yum!
Para sa kakaibang putahe, tingnan ninyo ang lutuing ito mula sa India.
Bendekaayi Gojj ay gumagamit ay katas ng niyog, sampalok, panutsa, at buto ng mustasa.
Indian Bendekai Gojju2
Ang hipag kong si Sally sa Michigan ay mahilig sa atsarang okra.  Ang mahal daw sa tindahan, $6 isang garapon!
Buksan ninyo ang isip sa pagsubok ng iba’t-ibang paraan ng pagluluto ng okra.  Kung hindi kayo sanay mag-internet search, magpatulong kayo sa anak; alam naman ninyo ang kabataan ngayon, matinik sa technology!
Mahusay na kasama sa diyeta ang okra.  Mababa sa calories pero sagana sa fiber.  Mayroon ding Vitamins A, B, C, folates para sa kalusugan ng sanggol sa sinapupunan, at iba’t-ibang minerals.  Para sa mga detalye, basahin ang  http://www.nutrition-and-you.com/okra.html